Ang Hiling mula sa Kalabuan
Napakabilis nang panahon. Pansin mo din ba? Mahirap humabol lalo’t maraming gawaing dapat magawa. Aminado ako, naiiwan ko na ang ibang dapat gawin para lang makasabay pa din. Ngunit may mga bagay na hindi pwedeng i-give up lang ng basta-basta. ‘Yung iba binabalikan ko na lang para maisakatuparan, nahihirapan na kasi ako ng sabay-sabay.
Kasabay ng panahon ang mga dapat kong i-adjust. Kung dati pag-aaral ko lang ang iniisip ko, ngayon pati iba pang mga bagay na iniatang sa akin since umalis ang mga magulang ko papuntang abroad ang dapat ko ding pag-ukulan ng pansin. Nadadarama ko na ang feeling kahit papaano nang pagiging single parent. Hindi man ako ang kumakayod para sa aming pangangalangan (syempre sustentado kami ng mga magulang namin sa ibang bansa) ay mahirap pa din emotionally, physically at mentally ang aking pinagdadaanan lalo’t abot-abot ang mga problemang dumadating.
Dati, iniisip kong mag-asawa ng maaga para nang sa ganun ay makita ko pa ang magiging apo ko sa tuhod, pero nagbabago na ang ihip sa ngayon. Inalis ko muna ang kababawang iyon sa sarili ko. Mahirap talagang mamuhay sa panahon ngayon kung hindi ka handa. Kailangan ko pang mag-ipon ng sipag, tiyaga, at kaalaman para maiayos ang lahat sa susunod na panahon.
Three years ago, may itinaning ako sa buhay ko, at may dalawang taon pa ako para mapaghandaan at paglimian ang bawat panahong mabilis na tumatakbo. Sa tingin ko, marami pa akong dapat ayusin muna sa ngayon, lalo’t graduating student ako. Sa bahay man, tingin ko mas kailangan kong maging flexible lalo’t lumalala ang katandaan ng lola ko. Patience is a virtue, yan lagi iniisip ko kapag hirap na hirap na talaga ako.
Ano pa nga ba ang masasabi ko sa ngayon? Gusto ko lang magsumbong kasi sa puting sulatan na ito. Kung mapapansin mo, may kalabuan ang mga pinagsasasabi ko dito. Mauunawaan mo lang to kung naiintindihan mo ang kalagayan ko. Sa huli, gusto ko lang humiling sa’yo… ipagdasal mo ako, dahil ito talaga ang kailangan ko.