GANITO KA DIN… SIGURADO!
Heto na naman ako. Nakaharap sa puting sulatan. Para sa isang manunulat mahirap talagang harapin ang isang blankong papel, mas madali pa talagang i-imprenta na lamang ang mga naiisip ng utak natin.
Aminin na natin na minsan nakakainis ang ating kalagayan. Marami kang naiisip na maisusulat sa una, ngunit ‘pag nasa proseso ka na nang paglalahad sa papel ay hindi mo na alam ang iyong iku-kwento. ‘Balik sa simula’ –ika nga.
May mga ganitong uri ng tao… na sa simula lamang magaling. Aminado akong isa ako sa karamihan, kaya siguro pati utak ko ay ganito. Marami tuloy nasasayang na pagkakataon. Mga panahong lumilipas na lamang dahil sa mga mali kong gawi at pagpapasya. Kaya siguro hindi ako uma-asenso sa ngayon, pero pinipilit ko naman maging produktibo, kinakaya ko naman.
Tama bang isisi ko sa panahon ang mga nangyayari ngayon? Palagay ko hindi kasalanan ng makabagong panahon at nang mahirap na lipunan ang aking kalagayan ngayon. Binibigay naman kasi sa akin ang lahat nang kailangan ko. Katulad ng puting sulatang ito na ibinibigay ang kanyang kabuuan para sulatan ko, at gayon nga ang ginagawa ko ngayon. Sana lagi kong gamitin sa tama ang mga binibigay sa akin ng pagkakataon.
Sira-ulo din ako noh? Isinusulat ko pa talaga ang mga ganitong uri ng problemang sa sarili ko naman ay pwede kong tugunan. Pero sa totoo lang, hindi madaling magbago– alam yan ng lahat.
Unti-unti ay sinasanay ko na ang sarili kong tapusin ang anumang naumpisahan ko na. Kung magma-magaling din naman ako sa una ay itutuloy-tuloy ko na kahit na maraming balakid. Kailangan ko na din sigurong maging matatag sa aking pagpapasya. Legal na din naman ang aking edad at hindi magtatagal ay magbabayad na din ako ng buwis.
Kaso… may mga bagay na ang hirap ituloy hanggang dulo. Natatakot kasi ako sa mga maaaring kahinatnan. Kinakabahan lagi ako (katulad ngayon, habang sinusulat ko ang parteng ito) sa kahahantungang hindi ko maisip paano ko haharapin kung magkamali ako ng hakbang.
Hindi ko muna siguro dapat isipin ang kalalabasan hangga’t hindi buo ang loob ko sa kapasyahang gagawin ko, sa palagay ko’y ito muna ang dapat kong pagtuunan ng pansin. Kailangang kong palakasin muna ang aking kalooban, nang sa ganun, kahit na ano ang mangyari ay handa ako.
Ito na rin sana ang maging daan upang ang mga nau-udlot ay magpatuloy. Ang hindi matapos-tapos ay makarating sa dulo. At ang blankong papel ay magkalaman ng samu’t saring bagay na magdadala, hindi lamang sa akin, hindi lamang sa mga manunulat, kundi sa ating lahat nang mga maipagmamagaling nating bagay na kakayaning gawin hanggang sa huli. Nang sa ganun wala nang ‘Heto na naman ako… balik sa simula.’